MANILA, Philippines - Wala sa listahan si Manny Pacquiao para maging katunggali ni Timothy Bradley sa kanyang sunod na laban.
Pinagtibay ni Bradley ang pagdodomina sa 140-pounds light-welterweight division nang talunin sa pamamagitan ng 10th round technical decision si Devon Alexander nitong Linggo sa Silverdome, Pontiac, Michigan, USA.
Dahil sa panalo, ang 27-anyos na American boxer na may 27-0 at isang no contest sa kanyang boxing career, ay nahablot din ang WBC light welterweight title ni Alexander upang isama sa pag-aari ng WBO belt.
Itinigil ang laban ni referee Frank Garza dahil hindi na maidilat pa ni Alexander ang kanyang kaliwang mata na naputukan dala ng head butt.
Nakuha ni Bradley ang panalo dahil siya ang lamang sa tatlong hurado nang itinigil ang laban.
Mismong si Bradley ay tila hindi interesado na harapin si Pacquiao, ang kasalukuyang pound for pound king at natatanging boksingero na may walong titulo sa magkakaibang dibisyon.
“Amir Khan right now would be number one in my list,” wika nito.
Si Khan ay kasama ni Pacquiao na hawak ni Freddie Roach at nakakatuwang din niya kapag may pinaghahandaang laban.
Maging ang promoter ni Bradley na si Gary Shaw ay hindi rin interesado kay Pacquiao.
“Top Rank only makes in-house fight so that fight won’t happen. “All of Manny’s fights are in-house,” wika ni Shaw sa panayam ng Boxingscene.
Mas nais pa ni Shaw na ilaban si Bradley sa walang talong American boxer na si Floyd Mayweather Jr.