MANILA, Philippines - Napanatili ni Jeson Patrombon ang mahusay na paglalaro upang kalusin pa ang Aussie netter na si Andrew Whittington para marating ang quarterfinals sa Australian Open Juniors Championship sa Melbourne Australia.
Hindi nasira ang loob ng 17-anyos tubong Iligan City nang matalo sa second set at ipinakita ang pinakamabangis na porma upang hindi makapuntos ang katunggali para sa 6-4, 3-6, 6-0, tagumpay.
Ito ang ikalawang panalo ni Patrombon kay Whittington sa dalawang pagkikita at napatunayan ng Filipino ace na tunay ang naiuwing 6-2, 6-4, tagumpay nang unang nagkaharap sa ITF/LTAT Juniors Championships noong nakaraang taon sa Thailand.
“It was a good match for me. I think my game is at a good level, it’s getting up,” wika ni Patrombon na pinataob ang ikalawang Australian netter na nakaharap sa torneo matapos pagpahingahin si Jordan Thompson sa unang round.
“Lahat ng paghihirap namin sa pagsasanay sa Traralgon ay nagbubunga ngayon sa Australian Open,” wika ng masayang coach na si Manny Tecson.
“Makikita na ngayon kay Jeson na hindi lamang siya mahusay physically pero pati sa mental side ng laro ay handa na siya,” dagdag pa ni Tecson.
Ito ang pinakamataas na naabot na ni Patrombon sa paglalaro sa Grandslam tournament mula noong nakaraang taon at magkakaroon siya ng pagkakataon na mapantayan ang pinakamataas na naabot ng isang Filipino netter kung mananalo siya sa sa quarterfinals laban kay George Morgan.
Ang fourth seed na si Morgan ng Great Britain ay nakalusot kay 14th seed Mate Delic ng Croatia.
Si Felix Barrientos ang may hawak ng pinakamataas na pagtatapos ng isang Pinoy sa Grandslam sa mga huling dekada matapos makarating sa semifinals sa 1985 Wimbleton Juniors.