MANILA, Philippines - Nagpasiklab agad ang Filipino cue artist na si Santos Sambajon nang kunin ang 2nd Annual Chet Itow Memorial Tournament na pinaglabanan sa California Billiard Club sa Mountain View, California.
Hindi nakalasap ng talo si Sambajon na naninirahan na sa US, sa kabuuan ng torneo at tinalo sa kampeonato si Oscar Dominguez sa unang laro.
Mula sa winner’ s side si Sambajon kaya’t kinailangan ni Dominguez na talunin ito sa dalawang laro para makuha ang titulo.
Namuro nga si Dominguez dahil una siyang umabante sa hill, 7-3, pero sa di inaasahang pangyayari ay minalas siya habang lumabas ang tikas ng paglalaro ni Sambajon at winalis ang sumunod na limang laro para magkampeon.
Narating ni Sambajon ang finals nang kalusin ang kababayang si Gerardo Jamito, 8-7, habang nalusutan naman ni Dominguez ang mga Filipino player na si Amar Kang, 8-7, at Jamito, 8-7.
Halagang $2000 ang napanalunan ni Sambajon at ito ang unang panalo rin ng pool player matapos ang 2009 season na kung saan nangibabaw siya sa NCS National 9-ball Championship.
Ang pinakamalaking panalo na nakuha ni Sambajon sa kanyang career ay sa Skins Billiard Championship sa Atlantic City noong 2005 para maibulsa ang $73,500 unang gantimpala.
Halagang $1350 naman ang napanalunan ng 26-anyos na si Dominguez habang sina Jamito at Kang ay nakontento sa $850 at $550 gantimpala.