MANILA, Philippines – Kinuha ng Pilipinas ang ikalawang sunod na panalo sa idinadaos na Pony Baseball Mustang Division Asia-Pacific Zone Championship nang ilampaso ang host Vietnam, 26-3, na nilaro sa Vin Yen baseball field sa Vinh Phuc Province sa Vietnam.
Unang pumukol si Javy Limpo sa loob ng dalawang inning bago nakipagpalitan ng puwesto sa catcher ng “Little Razcals” na si Marty Ranada para sa panalo.
Ang dominateng laro ay nagbigay sa Pilipinas ng ikalawang sunod na panalo matapos ang 13-0 panalo sa Singapore sa unang araw ng kompetisyon.
Bumawi naman ang Singapore sa kabiguang ito nang talunin nila ang sinasabing malakas na koponan na Indonesia sa 12-2 iskor.
Si Justine Bieker na hindi ginamit sa laro kontra sa Pambansang koponan ang kuminang tungo sa pagtabla ng Indonesia at Singapore sa ikalawang puwesto sa 1-1 karta. Ang unang panalo ng Indonesia ay kinuha sa Vietnam sa 29-1 iskor.
Magtatapos ang single round elimination sa 10-under na apat na bansang torneo ngayon sa pagkikita ng Pilipinas at Indonesia at Singapore laban sa Vietnam.
Kailangan ng Pilipinas (2-0), na manalo sa Indonesia upang selyuhan ang pagkikita muli ng Singapore para sa kampeonato at karapatang katawanin ang Asia Pacific region sa Mustang World Series sa Texas sa Agosto.
Kung makapanggulat ang Indonesia ay magkakaroon ng three way tie sa unang puwesto sa hanay ng nasabing koponan, Pilipinas at Singapore pero uusad pa rin ang nationals kung hindi sila matalo ng mahigit na 10 runs.
Kung mangyayari ito, ang Indonesia at Singapore ang magtutuos sa Finals.