ABAP naghahanap na ng kapalit ni Albania

MANILA, Philippines –  Inaasahan na ng Amateur Boxing Association of the Philippines ang pag-akyat sa timbang ng mga kasaluku­yang miyembro ng national women’s team upang puwestuhan ang iniwang posisyon ng veteran internationalist na si Annie Albania sa paghahanap ng ABAP ng kuwalipikadong lady boxer na kanilang isasabak sa 2012 London Olympics.

 Hinirang ni coach Roel Velasco sina lightflyweight Alice Kate Aparri, bantamweight Ana Liza Cruz, at fea­therweight Nesthy Petecio bilang malalakas na kandidato kapalit ni Albania.

Inilaglag ang flyweight ace na si Albania mula sa listahan ng Phl team bunga ng kanyang kabiguang magbalik sa training camp matapos ang holiday break, sa kabila ng kanyang naunang pahayag na isasabit na ang kanyang gloves.

Sinabi ni Velasco na iaakyat nila si Aparri, bronze medalist saWomen’s World Boxing Championship, ng timbang habang sina Cruz at Petecio ay kanila namang ibababa o di kaya ay ia-adjust sa 51-kg spot, isa sa tatlong weight divisions para sa women’s boxing sa 2012 Olympiad.

Show comments