POC hindi makikialam sa pulong ng PSC sa mga NSAs bukas
MANILA, Philippines - Kumpiyansa si Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. na magiging maganda ang kalalabasan ng nakatakdang pakikipag-usap ng Philippine Sports Commission (PSC) sa mga National Sports Associations (NSAs) bukas sa Manila Yatch Club sa Roxas Boulevard.
Sinabi ni Cojuangco na hindi siya makikialam sa PSC hinggil sa pakikipagpulong nito sa mga NSAs.
“If there’s enough that I know of, pero kung kulang ay dadagdagan ko,” ani Cojuangco. “But my intention of attending there is just to listen.”
Ihahayag ng mga NSAs ang kanilang proposed budget para sa taong ito bilang paghahanda sa 2011 Southeast Asian Games sa Palembang, Indonesia sa Nobyembre 11.
Pinakiusapan na ni PSC chairman Richie Garcia ang mga NSAs na maging ‘realistic’ sa pagbibigay ng kanilang mga panukalang pondo.
“May dalawang NSAs na mag-submit ng kanilang proposed budget na P40 million,” naunang pahayag ni Garcia. “Ang sabi ko sa kanila na be more realistic dahil hindi naman natin kaya ‘yung ganoon kalaking pondong hinihingi nila.”
Maliban sa 2011 SEA Games, popondohan rin ng komisyon ang mga qualifying tournaments na lalahukan ng mga national athletes.
Ito ay para sa 2012 Olympic Games sa London, England.
- Latest
- Trending