Naabot na nina Molina, Arabejo
MANILA, Philippines - Dalawang manlalangoy na nanalo ng ginto sa Laos SEA Games ang nakaabot na sa qualifying time para sa 2012 London Olympics.
Sina Miguel Molina at Ryan Arabejo ang mga swimmers na kung sa taong ito gagawin ang Olympics ay nakapasok na sa kompetisyon.
Ang 27-anyos na si Molina na naglaro na sa Athens at Beijing Olympics ay gumawa ng 2:03.68 tiyempo nang manalo sa 200m individual medley na pasok sa 2:03.89 FINA qualifying time sa London.
Si Arabejo na edad 22 at beterano ng Beijing Olympics, ay gumawa ng 15:37.75 tiyempo sa 1,500m free na tumatayo na rin bilang SEA Games record.
Ang tiyempo ring ito ay lampas sa 15:45.12 qualifying time sa 2012 Games.
“Mas mataas ang qualifying time ngayon kumpara sa 2008 Olympics kaya malaking bagay na ngayon pa lamang ay may qualified swimmers na tayo,” wika ni Philippine Aquatics Sports Association (PASA) president Mark Joseph.
Pero dahil 900 swimmers lamang ang makakasama sa London Games kaya’t kailangan na magpatuloy sina Molina at Arabejo sa pagpapabilis ng kanilang mga oras para mapasok sa quota ng manlalaro sa kompetisyon.
Tiwala pa si Joseph na may maidadagdag pang manlalangoy ng bansa na uusad sa 2012 Olympics dahil sina Daniel Coakley, Charles Walker, Jessie King Lacuna, Banjo Borja, Jose Gonzales, Jasmine Alkahldi, Erica Totten at Dorothy Hong ay ilang segundo lamang kapos sa qualifying times ng kani-kanilang events.
Magkakaroon ng pagkakataon ang mga manlalangoy na ito na maabot ang qualifying times sa paglahok nila sa 26th Southeast Asian Games sa Palembang, Indonesia sa Nobyembre dahil itinalaga ito ng FINA bilang isang qualifying event.
Ang isa pang qualifying event sa taong ito ay ang World Championships sa Shanghai, China sa Hulyo.
- Latest
- Trending