MANILA, Philippines - Nais ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose Cojuangco Jr. na maisaayos na ang lugar na maaaring pagdausan ng 2013 Asian Beach Games ngayong buwan ng Enero.
Kasalukuyang nagtutulong ang POC at Philippine Sports Commission (PSC) sa paghahanap ng posibleng lugar na puwedeng pagdausan ng nasabing kompetisyon at sinisipat ng mga ahensya sa palakasan ang mga lugar ng Cebu, Siargao, Surigao del Norte, Bohol Dumaguete, Camarines Norte at Subic dahil sa magagandang beach na matatagpuan dito.
Kailangang matukoy na ang pagdarausan ng laro dahil kailangan ding lumagda ang mga local officials na may sakop ng mapipiling venue.
Matapos ito ay tutungo si Cojuangco kay Pangulong Benigno Aquino III upang pormal na makuha ang kanyang basbas na opisyal na tinatanggap ng Pilipinas ang hosting na ipaaabot naman sa Olympic Council of Asia (OCA).
“As much as possible ay dapat na matapos na ang ilang problema sa buwan ng Enero para makapagsimula na tayo ng paghahanda ng maaga,” wika ni Cojuangco.
Wala namang nakikitang problema si PSC chairman Ricardo Garcia sa pagtukoy ng lugar na puwedeng pagdausan dahil tunay na magaganda ang beaches ng bansa kumpara nga sa ibang bansang nagtaguyod ng ABG.
Idinagdag pa ni Garcia na magandang oportunidad din ito para sa Pilipinas na maipakita sa ibang Asian countries ang ipinagmamalalaking magagandang tanawin sa ibang lugar para lumawig ang turismo sa bansa.
“Ang kailangan lamang sa mapipiling venue ay ang kakayahan nilang tumayo bilang punong-abala sa humigit-kumulang na 4000 bisita. Malaking bagay itong ABG dahil maipapakita din ng Pilipinas ang kakayahang magdaos ng malaking kompetisyon sa bansa,” dagdag pa ni Garcia.
Ang ABG ay idinadaos tuwing dalawang taon at unang edisyon noong 2008 ay sa Indonesia habang nitong 2010 ay isinagawa sa Muscat Oman.