MANILA, Philippines - Magkakaroon ng tsansa ang mga atletang wala sa national pool na maisakatuparan ang pangarap na makapasok sa Pambansang koponan sa taong 2011.
Ito ay dahil plano ng Philippine Sports Commission (PSC) na pangunahan ang pagsasagawa ng mga National Open ng iba’t-ibang National Sports Associations.
Ayon kay PSC chairman Ricardo Garcia, may ilalaan na pondo ang ahensya para sa pagsuporta sa mga National Open at ito ay bubuksan sa lahat ng mga Pilipinong mahihilig sa palakasan.
Pero nilinaw din ni Garcia na ang manlalarong makakakuha ng endorso mula sa mga lehitimong NSAs ang makakasama dahil nga sa katotohanang may ilang sports associations ang may problema pa sa liderato.
Ang cycling at swimming ang ilan sa mga sports associations na may problema pa dahil dalawang grupo ang nagtatagisan sa pagiging lehitimong grupo ng nasabing palakasan.
Dahil bubuksan sa lahat ay hindi rin malayong dagsain ito ng mga kalahok kaya’t maaaring magdaos muna ng qualifying events ang mga NSAs na magkakaroon ng ganitong problema.
Layunin ng PSC sa pagsasagawa ng National Open na bukas sa lahat ay upang makita kung mayroon nga bang mga atletang hindi kasama sa pool na karapat-dapat na isama lalo nga’t iilan lamang ang mga bagong mukha na nakikita sa Pambansang koponan.
Kailangang tumuklas pa ng mga atleta dahil naghahanda ang bansa sa paglahok sa 2011 Southeast Asian Games sa Indonesia.