PSC planong magpatayo ng 'state-of-the-art' sports complex
MANILA, Philippines – Isang bagong sports complex ang plano ng Philippine Sports Commission (PSC) na ipatayo ngayong 2011.
Sinabi ni PSC chairman Richie Garcia na ang maalamat nang Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila ay gagawin na lamang nilang competition venue.
“One of our plan is to build a 10 hectares sports facility like the Rizal Memorial but with world-class dorm, lounge with TV, track oval, pool, basketball court and other amenities para ‘di na lalabas ang mga atleta,” ani Garcia “Siguro we’ll close the Rizal for competition na lang ito.”
Ilan sa mga lugar na iniisip ng sports commission na pagtayuan ng naturang sports complex ay sa Clarkfield sa Angeles City, Pampanga at sa may Canlubang, Laguna.
Ang Clarkfield ang nauna nang binalak ng Philippine Olympic Committee (POC) na tayuan ng makabagong sport complex.
Balak rin ni Garcia na kumausap ng mga potensyal na sponsors na siyang pipili ng kanilang itatayong sports facility.
“We will talk to some corporations to sponsor every facilities like for example the track oval will be known as PLDT-track oval, Cojuangco-basketball court and so on,” wika ng PSC chief.
Hihikayatin rin ni Garcia ang mga tatayong ‘Godfathers’ na mag-alaga ng ilang naional athletes.
Sa panahon ni dating First Gentleman Atty. Mike Arroyo, maraming atleta ang ‘inampon’ ng kanilang mga ‘Godfathers’ bago ang 25th Southeast Asian Games noong 2005 na idinaos sa bansa.
Inaasahang aabot sa P20,000 hanggang P30,000 ang kakailanganin ng isang atleta bilang kanyang monthly allowance, dagdag ni Garcia.
- Latest
- Trending

















