Alcala humataw ng 2 ginto
MANILA, Philippines - Napagtagumpayan ni Malvinne Ann Alcala na madomina ang idinaos na Ming Ramos-Victor National Open and Youth Badminton Championships matapos manalo ng dalawang titulo sa pagtatapos ng kompetisyon kahapon sa PSC Badminton Hall sa Rizal Memorial Sports Complex.
Naipamalas ng 15-anyos na si Alcala ang pormang naghatid sa kanya ng gintong medalya sa Singapore Youth International nang kunin ang titulo sa girls singles U-19 at Open division.
Tinalo ni Alcala si Janelle de Vera, 21-5, 21-11, para sa U-19 habang hiniya naman nito si Nikke Servando, 21-14, 21-17, para sa Open title.
“Nakakapagod pero talagang pursigido ako na manalo sa dalawang finals na ito,” masayang binanggit ni Alcala.
Hindi naman kinaya nina Cassandra Grace Lim at Peter Magnaye na matulad sila sa ginawa ni Alcala dahil isang titulo lamang ang kanilang napanalunan kahit umusad sila sa finals sa dalawang kategorya.
Pinangatawanan ni Lim ang pagiging top seed sa girls U-15 nang kalusin si Joella Geva De Vera, 21-12, 21-19, pero natalo siya sa mas mataas na U-17 division kay Servando, 15-21, 13-21.
Si Magnaye ang kampeon sa boys Open nang kunin ang 21-19, 21-13, panalo kay third seed Paul Vivas upang pawiin ang nalasap na 9-21, 11-12, kabiguan kay top seed Joper Escueta sa finals ng U-19.
“Ayaw kong masayang ang paghihirap ko kaya talagang sinikap kong makuha ang Open title. Masaya ako dahil nagawa ko at unang Open title ko ito,” ani naman ni Magnaye.
Ang iba pang top seeds na sina Mark Shelly Alcala, Kenneth Monterubio, Aldreen Concepcion at Aira Mae Nicole Albo ay nangibabaw sa kanilang kategorya para magkaroon din ng maningning na kampanya sa apat na araw na kompetisyon na inorganisa ng Philippine Badminton Association (PBA).
Tinalo ni Alcala si Kenneth Cuden, 21-14, 21-16, para sa boys singles U-13; si Monterubio ay nangibabaw kay Gerald Sibayan, 21-7, 21-18, sa U-17; si Concepcion ay nanalo kay Jelenne Geviane de Vera, 21-15, 21-17, sa girls U-11 habang si Albo ay humirit ng 21-19, 21-9, tagumpay kay Christine Eleanor Inlayo para sa girls U-13 title.
Nagpasikat din sina Yang Lee Daryl at Glenn Remo nang silatin ang mga pinaborang katunggali.
Isang 21-12, 21-12, tagumpay ang kinuha ni Yang kay top seed Daniel Baguio tungo sa boy’s U-11 title habang sa mahigpitang 18-21, 21-11, 21-19, ang hinugot ni Monterubio kay Carlo Glenn Remo sa boys U-15 division.
Ang mga nanalo ay mapapabilang sa national pool ng PBA na ilalaban sa mga malalaking international tournaments kasama nga ang 26th Southeast Asian Games sa Indonesia.
- Latest
- Trending