MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang pagbibigay ng karangalan ng nasirang si dating national coach Francisco “Tatang” De Vega sa Pilipinas katuwang ang kanyang anak na si Lydia De Vega-Mercado.
Si De Vega ay namaalam na sa edad na 83- anyos dala ng matagal ng karamdaman noong Linggo.
Susuklian naman ang kanyang ibinigay na karangalan sa bansa sa Asian Games dahil ipinoproseso na ang tsekeng nagkakahalaga ng P437,500 ng PAGCOR.
Makukuha ng pamilyang naiwan ni Tatang ang nasabing halaga mula sa pinagsamang dalawang ginto at isang pilak na ibinigay ni De Vega-Mercado nang naglaro ito sa 1982 New Delhi at 1986 Seoul Asian Games.
Base sa RA 9064 o Incentives Act, halagang P250,000 ang gantimpalang ibibigay kay Tatang nang nanalo ng ginto si De Vega-Mercado sa 100m dash sa New Delhi.
Pero dahil katuwang niya si Claro Pellosis nang hinawakan ang anak nang tumakbo ito sa 1986 Seoul at nanalo ng isang ginto sa 100m at pilak sa 200m kung kaya’t maghahati sila sa pabuya na magkakahalaga ng P125,000 at P62,500 ayon sa pagkakasunod.
Tatanggap din ang naulilang pamilya nito ng P30,000 death benefits na nakasaad din sa Incentives Act.
Lumiham na ang PSC sa PAGCOR para mabigyan ng pabuya si Tatang at tatlong iba pang national coaches matapos sertipikahan ni Lydia ang ama bilang kanyang coach sa dalawang Asian Games na bineripika din ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA).