Pacquiao kabilang sa CNN Top 20 story

MANILA, Philippines - Matapos mapili bilang top boxing story ng Sports Illustrated, ibinilang naman ng CNN si Pacquiao sa kanilang Top 20 Stories That Changed Our World In 2010.

Dalawang panalo kina Clottey at Margarito ang kinuha ng 32-anyos na si Pacquiao noong Marso at Nobyembre ng 2010.

Naidepensa ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight (147 pounds) crown laban kay Joshua at inangkin ang bakanteng World Boxing Council (WBC) junior middleweight (154 pounds) title kontra kay Margarito.

Sa pagitan ng kanyang mga panalo kina Clottey at Margarito, parehong via unanimous decision sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas, nanalo si Pacquiao sa Congressional race sa Sarangani Province noong Mayo.

Si Pacquiao ay No. 19 sa rankings ng CNN Top 20 Stories That Changed Our World In 2010.

Nanumpa ang Filipino fighter sa House of Representatives noong Hunyo ngunit nagsumite ng leave of absence matapos ang dalawang buwan para paghandaan si Margarito.

Bago pa ang CNN, ibinilang na si Pacquiao ng Sports Illustrated bilang No. 1 boxing story para sa 2010.

Ang istorya ay isinulat ni SI columnist Bryan Armen Graham.

Naisama rin ang litrato ni Pacquiao sa SI issue noong Disyembre 27.

Kasalukuyang bitit ni Pacquiao ang kanyang 52-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 knockouts.

Sumasakay ang tubong General Santos City sa isang 13-fight winning streak na tinampukan ng walong KOs.

Nakatakdang idepensa ni Pacquiao ang kanyang hawak na WBO weltetrweight belt laban kay three-division, five-time titlist Shane Mosley (46-6-1, 39 KOs) sa Mayo 7, 2011 sa MGM Grand in Las Vegas.

Umiskor si Mosley ng isang ninth-round knockout kay Margarito noong Enero ng 2009.

Show comments