MANILA, Philippines - Magpapakitang-gilas ang mga papasibol na badminton players ng bansa sa pagsisimula ngayon ng Ming Ramos-Victor National Open and Youth Badminton Championships sa Club 650 Badminton Center sa Libis, Quezon City.
Umabot sa mahigit na 300 manlalaro buhat sa iba’t ibang badminton clubs ang maglalaban-laban para tanghaling national champions at magkaroon ng automatic seat sa national pool na hahawakan ng Philippine Badminton Association (PBA).
Ang mga dibisyong paglalabanan ay inilagay sa Under 11, U-13, U-15, U-17 at U-19 sa kalalakihan at kababaihan sa larangan ng singles at doubles.
Tampok na aksyon ay sa U-19 dahil kasali rito ang mga beterano ng katatapos na Singapore Youth Championships sa pangunguna ni Malvinne Alcala.
Ang 15-anyos na si Alcala ang natatanging manlalaro na nanalo ng gintong medalya sa Singapore at siyang top seed sa nasabing dibisyon.
Siya at ang second seed na si Danica San Ignacio ay bye sa opening rounds at maglalaro sa quarterfinals ang labanan.
Sina Joper Escueta at Peter Magnaye na naglaro rin sa Singapore at top two seeds sa kalalakihan ay bye din sa opening round.
Ang iba pang pinapaboran na manalo ng titulo ay sina Nikki Servando at Cassandra Lim (U-17), Lim at Kaydee de Jesus (U-15), Aira Albo at Eleanor Inlayo (U-13), Aidreen Concepcion, Jellene de Vera (U-11), Kenneth Monterubio at Gerard Sibayan (U-17), Joshua Monterubio at Carlo Remo (U-15), Mark Alcala at Kenneth Cuden (U-13), Daniel Baguio at Piolo Angsico (U-11) ang sa kalalakihan.
Si PBA president at dating First Lady Amelita “Ming” Ramos ang siyang magsasagawa sa ceremonial serve para sa pormal na pagbubukas ng event.