MANILA, Philippines – Nagbitiw na si national bowling coach Jojo Canare sa kanyang puwesto upang tanggapin ang alok mula sa Egypt na maging foreign coach.
Si Canare ay umalis na patungong Egypt na kung saan hahawakan niya ang kanilang national team sa loob ng isang taon.
“Nakakapanghinayang pero para sa ikagaganda ng kanyang career ang pagtanggap niya sa alok ng Egypt. Bago pa mag-Asian Games ay inaalok na siya pero tinapos muna niya ang kanyang mga gawain dito bago kinuha ang offer,” wika ni Philippine Bowling Federation (PBF) secretary general Olivia “Bong” Coo.
Taong 2007 nang maupo bilang coach si Canare na batikan ding manlalaro nang kanyang kapanahunan,
Sa tatlong taong pag-upo ay sa 2010 sumigla ang kanyang coaching career dahil nakapaghatid ng ginto at bronze medal ang men’s bowlers na sina Engelberto Rivera at Frederick Ong sa idinaos na Asian Games sa Guangzhou China.
Sa ngayon ay naghahanap pa ng coach na papalit kay Canare ang PBF na maghahanda naman sa mga malalaking toneo sa 2011 kasama ang Southeast Asian Games sa Indonesia.
“Si headcoach Caloy De Leon ang hahawak sa team pero hindi pa namin malaman kung magtutuloy pa bilang foreign coach namin si Jun Traspoto dahil hindi pa tumutugon ang PSC sa aming request,” dagdag pa ni Coo.