Chirstmas Wist List
Ramdam na ang simoy ng Kapaskuhan. Malamig ang hangin, nagdadatingan na ang mga regalo at napakahaba ng trapik.
At siyempre, sa panahong ito hindi natin maiiwasan na isulat ang ating Christmas Wish List.
Eto ang excerpt ng ating napakahabang Christmas Wish List.
Para sa mga atletang sasabak sa mga intenational games, magkaroon sana sila ng sapat na suportang pinansyal at morale--kinakailangan nila para sa kanilang pagdadala ng bandila ng bansa sa mga internasyunal na laban.
Para sa Philippine Olympic Committee, magkaroon sana ito ng komprehensibong programa na huhubog sa mga papalit sa kasalukuyang atleta. Ma-realize sana ng pamunuan ng POC na hindi habang buhay ay pupwedeng sumabak ang mga atleta natin. Magkaroon sana sila ng matalim na ngipin sa mga national sports associations na lumalabag sa panuntunan ng International Olympic Committee.
Para sa Philippine Sports Commission, magkaroon sana ito ng lakas ng loob na kumalap ng pondo para sa ating mg atleta. Matuto rin sana ang mga pamunuan nito na pangatawanan na tanging ang deserving NSAs at atheletes lamang ang pupunta o sasabak sa international na kompetisyon. Magkaroon sana rin ito ng komprehensibong programa na tutugon sa pangangailangan ng grassroots level sa ports sa bansa.
Para sa national sports associations, ma-realize sana ng mga ito na kahit na autonomous sila ay accountable pa rin sila sa pera na kanilang ginagamit na pondo para sa kani-kanilang asosasyon. Mahigit sa kalahati ng pera ng NSAs ay galing sa PSC at ang iba ay mula sa sponsorship o bigay ng ibang organisasyon, pero kahit saan pa man galing ito ay dapat na gamitin pa rin ito ng tama at ayon sa kinakailangan ng asosasyon at hindi sa pangangailangan ng isang tao lamang.
Para sa amateur basketball, sana ay magkaroon na ito ng tamang direksyon lalo na ang Philippine Basketball League na parang nalimutan na ng lahat. Sana ay mabigyan muli ng buhay ang amateur basketball sa pangunguna ng PBL upang muli nating makita ang “raw talent at power” sa amateur league.
Sa Philippine Basketball Association, sana ay magbunga agad ang mga pagbabagong inimplementa ni commissioner Salud. Gayundin madagdagan pa sana ang koponan sa liga pero hindi na dapat na pag-aari ng iisa lamang kompanya.
Kay Manny Pacquiao, maisipan sana niya kung ano ang direksyon na kanyang tatahakin. Napakarami pa ring mahihirap sa Sarangani, katunayan ay tila bumagsak pa ang poverty level nito, sana ay pagtuunan ito ni Pacquiao. Napakaraming magagandang programa --lalo na sa income augmentation at poverty reduction --ang maaari niyang iimplementa. Kilangan lamang niyang gamitin ang kanyang per at charms.
Para sa mga mambasa ng PSN, manatili sanang avid readers kayo ng aming pahayagan.
Maligayang Pasko sa ating lahat!
- Latest
- Trending