MANILA, Philippines - Sa paghahari ng Manila Sharks sa nakaraang Dunkin Donuts Baseball Philippines Series 7, kumpiyansa si team owner Mikee Romero na kaya rin nilang angkinin ang gold medal sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia sa 2011.
“Sisiguraduhin ko na kapag ito ang kinuha nilang team may gold medal na tayo (sa 2011 SEA Games),” prediksyon ni Romero kahapon sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila.
Kasabay nito, hiniling rin ni Romero sa Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Amateur Baseball Association (PABA) ang pamamahala sa baseball team na isasabak sa 2011 SEA Games sa Indonesia.
Sa suporta ni Romero, inangkin ng national baseball squad ang gold medal sa SEA Games noong 2005 sa Pilipinas bago tinalo ng Thailand noong 2007.
“We believe that with the organization that we have we can put the Philippines back into baseball prominence not only in Southeast Asia but also in the Asian level,” wika ni Romero.
Ang mga Filipino batters ay kasalukuyang No. 6 sa Asya at No. 19 naman sa buong mundo.
“Number six na tayo sa Asian rankings at konting-konti na lang puwede tayong mag-number one. And maybe the first Asian gold might come from baseball or maybe in the Olympics,” ani Romero. “We may never know.”
Tinalo ng Manila Sharks ni coach Joehl Palanog ang Batangas Bulls, 7-0, para sa kanilang back-to-back Baseball Philippines title kamakailan.
“The nice thing about our ranking is that previously we ranked No. 5. Ang una lang sa atin last time was Japan, korea, Taiwan and China,” ani Palanog. “Pero dahil hindi tayo nakakasali sa mga international tournaments at hindi tayo nakaka-earn ng points, na-overtake tayo ng Thailand.”