Alcala naka-gold sa Singapore badminton tourney
MANILA,Philippines - Nagtagumpay si Malvinne Alcala sa paglahok sa Singapore Youth International Badminton Championship nang manalo ito sa under-17 division.
Ang 15-anyos na si Alcala ay nakitaan ng init ng paglalaro mula sa simula at hindi bumaba ang kanyang intensidad tungo sa 21-15, 21-18 panalo laban kay Singaporean Xiaoyu Liang na nilaro sa Yio Chu Kang Sports Hall sa Singapore nitong Linggo.
Upang makapasok sa finals ay tinalo muna ni Alcala sina Indonesian players Nastasia Kristiani Patricia, 21-4, 21-7, at Uzchi, 21-8, 21-13, bago kinaharap si Wing Yung Ng ng Hong Kong na kanyang hiniritan ng 21-11, 21-13, panalo sa quarterfinals.
Isinunod ni Alcala si Febtria Adistra Ratoputri na isa ring Indonesian player, 21-16, 21-19, sa mahigpitang semifinals match upang maitakda ang pagkikita nila ni Liang sa championship round.
Nagkaroon din ng apat pang bronze medal ang koponang ipinadala ng Philippine Badminton Association na pinamumunuan ng dating First Lady Amelita “Ming” Ramos.
Balik-bansa ang mga manlalarong ito at maghahanda naman para sa Ming Ramos-Victor National Open, Youth at Corporate Badminton Championships na gagawin sa Club 650 at PSC Badminton Hall mula Disyembre 27.
- Latest
- Trending