Suportahan ang Azkals
Mula sa playing field, ang laban ng football ay napunta sa apat na haligi ng Senado.
Kung dati ay mga korupsyon sa gobyerno ang hinihimay, ngayon ay ang korupsyon naman sa hindi gaanong popular na sports, pero nagdala sa bansa sa gitna ng internasyunal na limelight.
Tama lamang na magtanong si Sen. Juan Miguel Zubiri kung nasaan ang Philippine Football Federation habang ang Azkals, ang Pambansang koponan sa football, ay nakikipaglaban sa Vietnam.
At nasaan din ang PFF nang ang football team ay humihingi ng suporta upang ang laban ay mapunta sa home team--sa Pilipinas.
Ang sagot--parehong wala. Walang suporta ang PFF sa Azkals na sa isang pambihirang pagkakataon ay nakarating sa AFF Suzuki Cup. Hindi nga ba’t pagdating ng mga ito sa bansa ay katakot-takot na reklamo ang ibinato sa napatalsik na si Mari Martinez.
Hindi lamang pinagkaitan ng PFF nang pagkakataon ang Azkals na magkaroon ng bentahe sa laban, tinanggalan nila ng karapatan ang mga Filipino na mapananood at mag-cheer sa kanilang koponan.
* * *
Nararapat na suportahan ang Azkals. Kahit pa sabihin na ang ilang manlalaro dito ay may dugong dayuhan. Kung tutuusin mas Filipino pa nga ang mga ito kaysa sa mga opisyal ng PFF na nagsasabing mahal nila ang football.
Akala ko ba ay may pagmamahal itong si Martinez sa Philippine football tulad nang kanyang sinasabi.
Kung mayroon siyang pagmamahal at pagkalinga sa football sa bansa, dapat ay ginawa niya ang lahat ng paraan upang mapanatili ang bentaheng ito sa Azkals.
Bukod dito, ang mga pangyayaring ito, ay isang paraan upang i-promote ang football. Isang paraan upang makahanap ng mga atletang mahuhusay. Isang paraan upang mapaigting ang football sa Filipino.
Nawalang parang bula ang lahat ng iyan dahil sa kapabayaan ni Martinez at ng mga opisyal ng PFF.
Tama lamang na imbestigahan ang PFF kung ano ang ginagawa nito sa mga pondo mula sa pamahalaan. Kahit pa sabihin na may autonomiya ang mga national sports association, nararapat lamang na maging accountable at transparent ang mga ito sa kanilang mga transakyon lalo na pagdating sa pondo.
Nararapat lamang na palitan si Martinez. Kung hindi niya kayang gawin ang kanyang trabaho dapat lamang na ilagay kung sino ang makapag-deliver ng matinong trabaho para sa PFF.
- Latest
- Trending