MANILA, Philippines - Napagtagumpayan ni Alfie Catalan ng Pio Chua-Sibuyan-AFP Cycling Club na mapagharian ang paboritong individual pursuit sa pagpapatuloy ng 2010 National Open Cycling Championships kahapon sa Amoranto Stadium sa Quezon City.
Gamit pa rin ang mabigat na metal bike na hiniram sa siklistang si Nilo Estayo, kinuha ng 28-anyos kasapi ng Philippine Army na si Catalan ang 10-ikot sa velodrome para sa kabuuang 4000-meter karera sa bilis na limang minuto, 22.44 segundo tiyempo at talunin si Alvin Benosa.
Kasapi ng Roosevelt Cycling Club, si Benosa ay nagtala ng bilis na 5:28.94.
“Malayo ang oras ko sa Philippine record time ko na 4:48.23 dahil mabigat ang bike na gamit ko at maliit pa sa akin. Kaya hindi ako makapuwersa,” wika ni Catalan.
Bigo man na mapabilis ang tiyempo, masaya na rin si Catalan na nanalo dahil patuloy niyang naipakita na siya pa rin ang pinakamahusay sa 4K individual pursuit na kanyang pinagharian sa 2005 Manila at 2007 Thailand SEA Games.
Hindi naman pinalad si Catalan na mahirang bilang double-gold medalist sa kompetisyong inorganisa ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (ICFP) na pinamumunuan ni Dr. Philip Ella Juico dahil nasilat ang kanyang koponan ng grupo ni Benosa sa team pursuit.
Katuwang sina Arnold Marcelo, Rey Navarro at Paolo Manapul, kinuha ng Roosevelt Club ang 4000-m distansya sa bilis na 5:16.57 o apat na milliseconds na mas mabilis sa grupo ni Catalan na kinabibilangan din nina Warren Davadilla, Ernesto Medina at Lito Atillano (5:16.61).
Nakabawi naman si Kaye Lopez sa kabiguang nalasap kay Ana Marie Remigio sa 1,000m race nang kunin ang mas mahabang 3,000m karera.
Kinailangang bumuhos ni Lopez sa huling tatlong ikot sa pitong ikot na karera para mabawi ang pitong segundong kalamangan ni Remigio tungo sa pagsumite ng pinakamabilis na oras na 4:54.54.
Kapos naman si Remigio ng anim na segundo, 5:00.54 para makontento sa pilak.
Suportado ng Shangri-La Finest Chinese Cuisine, Pepsi, Gatorade, Magnolia Water at New San Jose Builders, ang tagisan ay lilipat ngayon sa road races sa paglarga ng 40-km ITT race sa Jala-Jala, Rizal ngayong umaga.
Magtatapos ang kompetisyon bukas sa pagtakbo naman ng 165-kilometer road race mula Quezon City patungong Laguna at pabalik hanggang sa Amoranto na kung saan naroroon ang finish line.