IND0NESIA--Bigo ang Philippine Patriots na mapigilan ang sunud-sunod na kabiguan sa AirAsia ASEAN Basketball League nang lasapin ang 82-78 pagkatalo sa kamay ng Satria Muda BritAma sa pagpapatuoy ng aksyon nitong Sabado sa The BritAma Arena dito.
May 22 puntos at 13 rebounds si Marcus Morrison habang 20 puntos at 14 boards ang hatid naman ni Francis Adriano at ang dalawa ang umako sa huling 13 puntos ng host team para makuha ang ikatlong panalo matapos ang 11 laro.
Ang pabiting buslo ni Morrison na nasundan ng offensive rebound at puntos ni Adriano ang nagbigay sa koponan ng 77-74 kalamangan na kanila ng napangalagaan para ipalasap sa Patriots ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan.
Nalaglag ang Patriots sa 6-4 karta at naglaro ang koponan taglay ang isang import dahil sa pagpapa-uwi kay Donald Little.
Hindi rin nakasama ng koponan ng head coach na si Louie Alas sa ikalawang sunod na pagkakataon dala ng pagkakaroon ng sakit.
Sina Jun Jun Cabatu at Narciso Llagas ay mayroong tig14 puntos habang 11 naman ang hatid ni Egay Billones. Pero si Rashiem Wright na nagtala ng 31 puntos sa huling natalong laro ng koponan sa KL Dragons ay nalimitahan lamang sa walong puntos sa masamang 3 of 17 shooting
Isang tres nga lamang ang kanyang naipasok sa walong buslo at kasama nga sa naisablay nito ay ang panabla sanang birada sa huling segundo ng sagupaan.
Sa pangyayari, ang Patriots ngayon ay kasalo ng Dragons sa ikalawa at ikatlong puwesto matapos manalo ito sa Brunei Barracudas, 95-87. Solo pa ring nasa unahan ang Chang Thailand Slammers sa 8-2 baraha matapos kalusin ang Singapore Slingers, 77-66, sa kanilang laro.