MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon ang Pambansang kamao Manny Pacquiao na mapanalunan sa ikalawang sunod na taon ang United States Sports Academy Male Athlete of the Year.
Ito’y matapos maihanay uli si Pacquiao bilang isa sa 12 kandidato para parangalan sa taong 2010.
Naihanay uli si Pacquiao matapos ang dominanteng panalo laban kina Joshua Clottey at Antonio Margarito sa dalawang laban na hinarap sa taong ito na parehong ginanap sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
Ang panalo kay Margarito ay tuluyang nagselyo sa kahusayan ni Pacquiao dahil bukod sa mas malaki ang Mexican fighter, ang pinaglabanan ng dalawa ay ang bakanteng WBC junior middleweight title.
Si Pacquiao na natatanging Asyano sa talaan, ang nanalo ng nasabing karangalan noong nakaraang taon matapos magkamit ng dalawang titulo.
Ang atletang nasa talaan ay hihiranging Athlete of the Year kapag siya ang nakakuha ng pinakamaraming boto mula sa mga lalahok gamit ang website na http://ussa.edu/ballots/athlete-of-the-year <http://ussa.edu/ballots/athlete-of-the-year> .
Maliban kay Pacquiao, ang mga nasa talaan sa kalalakihan ay sina Drew Brees na isang professional football player, basketball player Kobe Bryant, trackster Ashton Eaton, Roy Halladay ng baseball, Jimmie Johnson ng auto racing, Phil Mickleson ng golf, Rafael Nadal ng tennis, Cameron Newton na isang college football player, Kenyan runner David Rudisha, David Villa ng spain sa larong soccer at Shaun White sa larong snowboarding/skateboarding.
Ang pagboto ay tatanggapin hanggang Disyembre 24 upang madetermina kung sino ang lalabas na Athletes of the Year ng 2010.
Noong nakaraang taon, umabot sa 1.9 milyon voters ang lumahok para piliin ang male at female Athletes of the Year at si Pacquiao ay nanaig laban sa mga tinitingala ring sports icons ng mundo na sina Roger Federer ng tennis at Jamaican sprinter Usain Bolt.
Nanalo naman sa kababaihan ang pole vaulter na si Yelena Isinbaeva ng Russia at tinalo nito ang mga nakaribal na sina Mexican golfer Lorena Ochoa at Kenyan runner Linet Masai.
Si Kim Clijsters at Serena Williams ng tennis, golfer Cristie Keer at mga Asian athletes na sina Li Ping ng China sa weightlifting at Kim Yu-na ng Korea sa figure skating ang mga kasali naman sa talaan sa 12 kababaihan.