MANILA, Philippines – Pinuwersa ng Bolts ang Energy Boosters sa 0-of-8 fieldgoals sa huling apat na minuto ng laro patungo sa kanilang pang apat na sunod na panalo.
Isang undergoal stab ni Asi Taulava at dalawang freethrows nina Gabby Espinas at Mac Cardona sa dulo ng fourth quarter ang gumiya sa Meralco sa 73-70 panalo ng Meralco sa Barako Bull para sa kanilang tsansa sa isa sa dalawang outright quarterfinals seat sa 2010-2011 PBA Philippine Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Humakot si Cardona ng 21 points, 6 rebounds at 4 assists, habang may 16 at 10 markers sina Espinas at Taulava, ayon sa pagkakasunod, para sa Bolts.
May 6-5 rekord ngayon ang Meralco sa ilalim ng San Miguel (10-2), Barangay Ginebra (8-3), Talk ‘N Text (7-3) at nagdedepensang Derby Ace (6-6) kasunod ang Rain or Shine (5-5), Alaska (5-7), Air21 (4-7), Powerade (3-8) at Barako Bull (2-10).
Mula sa kanilang mga baraha, umabante na sa quarterfinals ang Beermen, Gin Kings at Tropang Texters, habang may playoff ticket naman ang Llamados.
Ang pang pitong sunod na kamalasan ng Energy Boosters ang naglagay sa kanila sa balag ng alanganin.
“We expected something like that,” ani Bolts’ head coach Ryan Gregorio sa pagdikit ng tropa ni mentor Junel Baculi sa kanila. ”
Matapos kunin ng Meralco ang first half, 39-35, inagaw naman ng Barako Bull ang unahan, 55-50, sa 3:31 ng third period mula kina Borgie Hermida at Reed Juntilla.
Naitabla ng Bolts ang laro sa 64-64 galing sa basket ni Espinas sa 8:03 ng final canto patungo sa kanilang 69-68 abante sa hulig 3:52 nito.
Huling natikman ng Energy Boosters ang lamang sa 70-69 buhat sa split ni Mark Isip galing sa foul ni Taulava sa 2:47 ng labanan bago ang undergoal stab ng Fil-Tonga at dalawang freethrows nina Espinas at Cardona para sa 73-70 abante ng Bolts sa natitirang 7.1 segundo.
“I think the reason why we’re getting considerable success is the fact that our players have realized that they can compete in this league,” ani Gregorio. “Majority of my players are coming off losing seasons and it’s not easy for them to transform to winners.”
Pinangunahan nina Sunday Salvacion at Paolo Hubalde ang Barako Bull mula sa kanilang tig-13 points kasunod ang 10 ni Isip.