MANILA, Philippines - Sisikaping patunayan ni Drian “Gintong Kamao” Francisco na kaya niyang manalo kahit ang laban ay idinadaos sa ibang bansa sa pagharap nito kay Duangpetch Kokietgym ng Thailand bukas sa Bueng Kan School, Bueng Kan, Nong Khai, Thailand.
Ang laban ay para sa interim WBA World Super flyweight title at dehado si Francisco kahit may ipaparadang 19-0-1 karta kasama ang 15 KOs.
Ang dumungis sa sana’y perpektong karta ay ang tabla kay Nino Suelo noong 2007 sa San Andres Gym sa Manila.
Isa pang nagpababa sa tingin kay Francisco ay ang katotohanang lahat ng kanyang mga laban ay ginawa sa Pilipinas.
Ilan sa mga bigating boksingero na tinalo ni Francisco ay sina Roberto Vasquez noong Oktubre 3, 2009 para sa WBA international super flyweight title at si Roberto Nunez nitong April 17 na isang WBA super flyweight eliminator.
Mahalaga ang labang ito kay Francisco dahil kung siya ang mangibabaw, makukuha niya ang karapatang lumaban sa WBA title bilang mandatory challenger ng dibisyon.
“Hindi ako takot kahit underdog pa ako. Mas ginaganahan nga ako na lumaban bilang underdog,” wika ng 28-anyos na si Francisco na para sa labang ito ay sumailalim na siya sa 160 rounds ng sparring.
Dumating ang Team Francisco sa Thailand noon pang Nobyembre 22 upang makagamayan na ang klima sa nasabing bansa.
Si Kokietgym ay isang 30-anyos na boksingero na mayroong 52 panalo, isang talo at isang tabla. Umabot na rin sa 21 boksingero ang kanyang pinatulog sa laban.
Ipinanalo rin ni Kokietgym ang huling 30 laban tampok ang second round KO laban kay Edwin Tumbaga ng Pilipinas para sa PABA Super Flyweight title.
“Handa na ang lahat. Hindi biro ang labang ito pero alam kong kaya ni Drian na manalo,” wika pa ni Elmer Anuran na siyang may hawak kay Francisco gamit ang Saved By The Bell Promotions.
Ang weigh-in ay gagawin ngayon at inaasahang walang magiging problema sa pag-abot sa 115-pound timbang ng dalawang boksingero.