MANILA, Philippines - Nagwakas na ang five-game winning streak ng mga Llamados.
Sumandig kina Eric Menk, Mark Caguioa, Ronald Tubid at Rudy Hatfield sa final canto at pinuwersa ang mintis na three-point shot ni James Yap, itinakas ng Barangay Ginebra ang dramatikong 89-86 panalo kontra nagdedepensang Derby Ace sa elimination round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup kagabi sa napunong Big Dome.
“They were tough and they were on a five-game winning streak,” ani Menk, umiskor ng conference-high 20 points, tampok rito ang 12-of-14 shooting sa freethrow line.
Matapos magtabla sa third period, 62-62, nagtuwang sina Caguioa, Menk, Hatfield at Billy Mamaril para ibigay sa Gin Kings ang 75-70 abante sa 5:42 ng fourth quarter.
Dalawang sunod na three-pointer nina James Yap at PJ Simon ang naglapit sa Llamados sa 75-76 sa 4:58 nito kasunod ang isang 3-point play ni Simon kay Mike Cortez para sa kanilang 79-75 bentahe, 4:27 sa laro.
Dalawang dikit na tres ang isinalpak ni Tubid, habang apat na freethrows ang naikonekta ni Menk upang iangat ang Ginebra sa 85-81 sa huling 1:22 bago ang basket ni Don Allado at tres ni Simon matapos ang layup ni Hatfield para sa 86-87 agwat ng Derby Ace sa natitirang 10.7 segundo.
Muling sinolo ng Ginebra ang ikalawang puwesto sa kanilang 8-3 baraha sa ilalim ng San Miguel (9-2) kasunod ang Talk ‘N Text (7-3), Derby Ace (6-6), Meralco (5-5), Rain or Shine (5-5), Alaska (5-7), Air21 (4-7), Powerade (3-8) at Barako Bull (2-9).
Sa unang laro, kumayod naman ang Elasto Painters ng isang 10-0 atake sa huling minuto ng fourth quarter para balasahin ang Aces, 80-79. (RCADAYONA)
Ginebra 89 - Menk 20, Caguioa 18, Tubid 12, Miller 12, Hatfield 11, Cortez 9,Mamaril 4, Wilson 2, Aquino 1, Villanueva 0.
B-Meg Derby Ace 86 - Simon 26, Yap J. 14, Gaco 13, Yap R. 10, Allado 10, Maierhofer 4, Villanueva 3, Salvador 2, Canaleta 2, Pingris 2, Adducul 0.