MANILA, Philippines - Napanumbalik ni Engelberto “Biboy” Rivera ang larong nagbigay sa kanya ng gintong medalya, habang palaban naman si Liza Del Rosario upang mamuro pa ang bowlers na makapaghatid ng medalya sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Si Rivera na malamya ang ipinakita sa doubles, trios at team of five events, ay nakagawa ng 1852 pins sa unang walong laro sa block 1 ng men’s masters para malagay sa ikalawang puwesto.
Nangunguna si Larp-Apharat Yannaphon (1966) sa 16 na manlalarong nagtatagisan sa huling ginto sa bowling, habang nasa ikatlong puwesto si Bok Eum Choi ng Korea (1843).
Ang huling walong laro na magdedetermina sa tatlong bowlers na maglalaban-laban sa medal round ay gagawin ngayon sa short oil. Inaasahang palaban si Rivera na mag-isang kinakatawan ang bansa sa kalalakihan, dahil nanalo siya ng unang ginto ng bansa sa short oil.
Hindi naman nagpapahuli si Del Rosario na nasa ikalimang puwesto sa kababaihan sa naitalang 1745 pins.
Nangunguna sa kanilang hanay si Sun Ok Hwang ng Korea sa 1863 kasunod sina Esther Cheah ng Malaysia (1788) at Lin Zhi Shayna Ng ng Singapore (1783).
Hindi naman pinalad ang ibang lahok ng Pilipinas tulad ni Marites Bitbit sa cycling at ang softball team na kinapos sa laro nila laban sa Korea para sa huling puwesto sa quarterfinals.
Si Bitbit, nagsanay sa Australia, ay tumapos sa 13th place sa 28 na sumali sa 100km women’s individual road race sa oras na 2:47:48.83.
Hindi naman nagawa ng softbelles na maprotektahan ang 3-0 lamang matapos ang top of the sixth inning para sa 3-4 kabiguan sa Korea sa larong inabot ng dalawang extended innings.
Si Kim Boran na designater hitter ng Koreans ang siyang umukit ng panalo sa bottom ninth nang kumunekta ito sa pukol ni Syrel Ramos para mapaiskor si Lee Eunmi at mapatalsik sa laro ang national team.
Amng wrestler na si Jerry Angana ay hindi rin nakaporma nang matalo kay Kyong Il Yang ng Korea, 0-4.
Hindi pa rin nakakausad ang Pilipinas buhat sa 2 gold, 2 silver at 8 bronze medals.
Lumayo na sa 159 gold, 79 silver at 77 bronze medals ang China kasunod ang South Korea (63-54-70), Japan (32-60-67), Chinese Taipei (12-11-29) at Iran (12-8-15).
Ang Thailand ang nangungunang bansa sa Southeast Asia sa pang walong puwesto sa 7-7-24 at nakasunod ang Malaysia (6-12-8).
Ang Indonesia ay nasa ika-12 puwesto sa 4-8-10 at ang Singapore ay mayroong 4-6-6- para sa pang-13th puwesto.
Ang Pilipinas ay nasa ika-16th place sa talaan ng 34 bansa na umani na ng medalya.