Pilak kay Tabuena
MANILA, Philippines – Hindi naibalik ni golfer Miguel Luis Tabuena ang naunang matikas na paglalaro upang makontento lamang sa pilak habang ang huling tatlong taekwondo jins na lumaban ay nakapag-ambag lamang ng tatlo pang bronze medal para madagdagan ang medalyang napapanalunan ng bansa sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Tuluyang kumulapso ang mga palo ni Tabuena, nanguna sa naunang dalawang araw sa apat na araw na torneo nang magtala lamang ito ng par 72 upang magkaroon ng kabuuang six-under par 282.
Pero hindi sapat ang ipinakita ng 16-anyos na golfer na sa unang dalawang araw ay gumawa ng four-under par 68, sa nakalabang si Kim Meen Whee na tinapos ang paglalaro sa matindi pang 3-under par 69 upang makuha ang gintong medalya sa kabuuang 15-under par 273.
Sumabay din kay Tabuena ang malamig na paglalaro ng mga kasamahang sina Mhark Fernando, Carlos Marcel Puyat at Jerson Balasabas upang ang team Philippines na sa unang tatlong araw ay nasa ikalawang puwesto ay nalaglag sa medal race sa team event nang magtapos sa ikalimang puwesto sa 13-over par 877.
Hindi rin pinalad sina John Paul Lizardo, Paul Romero at Kirstie Elaine Alora na kahit nakapasok sa semifinals sa kanilang mga dibisyon ay natalo naman sa mabibigat na katunggali.
Si Lizardo ang nakalasap ng nakakapanghinayang na pagkatalo nang makalusot ang isang sipa na tumama sa ulo nito galing kay Korean Kim Seong Ho sa extension para manalo ang huli 10-7 sa men’s under 54 class.
“Daplis lang ang tama at puwede ring hindi mabigyan ng iskor pero breaks of the game talaga ang nangyari at na-lucky kick ako,” pahayag ni Lizardo na humabol buhat sa 1-5 iskor sa second round at naihirit ang extension nang makatabla sa 7-all matapos ang tatlong rounds.
Nagkaroon naman ng hamstring injury si Paolo Romero upang umayaw ito sa ikatlong round sa laban nila ni Wei Chen Yang Chinese Taipei sa men’s under 58 kilogram habang sa malakas naman ang nakasagupa ni Alora sa katauhan ni Feruza Yergershova ng Kazakhstan para sa 3-7 kabiguan sa women’s under 73 class.
Sa kabuuan, ang taekwondo delegation ay nakapaghatid ng apat na bronze medals at ang unang nakagawa nito ay ang two-time Olympian na si Tshomlee Go sa larangan ng men’s under 63 division.
Sa mga medalyang ito, ang Pilipinas ngayon ay mayroong 2 ginto, 2 pilak at 8 bronze medals para malagay sa ika-15 puwesto sa medal race.
Ang China pa rin ang umaalagwa sa 129 gold, at tig-60 silver at bronze medals habang ang South Korea ay nasa ikalawa pa rin sa 50-39-53 at ang Japan ay may 26-49-54 para sa ikatlong puwesto.
Ang bansa na binubuo ng 188 manlalaro ay naungusan na rin ng apat na iba pang katunggali sa Southeast Asia dahil pang-apat na lamang ang delegasyon kasunod ng Thailand, Indonesia, Malaysia at Singapore.
Ang Thailand ang lumalabas na pinakamahusay ngayon sa rehiyon sa tatlong ginto, limang pilak at 17 bronze medals para sa ika-10 puwesto habang ang Indonesia ang kasunod nito sa 3-5-10 medal tally.
Nasa ika-11th puwesto naman ang Malaysia sa 3-4-5- medal count at ang Singapore ang nasa ika-14th puwesto sa 2-4-2 medal tally.
- Latest
- Trending