MANILA, Philippines - Nagpasiklab si Marinel Rudas sa idinadaos na Singapore ITF Junior Championships sa Singapore.
Isang grade 5 ranked event ng ITF, ang 16-anyos na si Rudas ay nakagawa ng kanyang pinakamagandang paglalaro sa taong ito nang umusad siya sa semifinals ng torneo.
Huling manlalaro na lumasap sa bangis ng laro ni Rudas ay si seventh seed Verena Jane Scott na natalo sa pamamagitan ng 6-2, 4-1 retired sa quarterfinals.
Bago si Scott ay nakaukit na muna ng panalo si Rudas kina Singapore wild card Hannah Chew, 6-1, 6-0, at kay third seed Hitomi Naito ng Japan, 6-3, 6-1.
Ang puwesto sa finals ay hahangarin ni Rudas sa pagbangga sa second seed na si Kanika Vaidya ng India.
Ang mananalo sa labang ito ang siyang hahamon sa mananalo naman sa pagitan nina top seed Sanae Ota ng Japan at fourth seed Hsu Ching-wen ng Chinese Taipei. Ito ang unang pagkakataon sa taong ito na nakapasok sa semifinals si Rudas sa mga torneong nilahukan.
Ang dating pinakamagandang pagtatapos ay naitala sa Brunei ITF Junior Circuit na kung saan umabot siya sa quarterfinals bago namaalam.
Lumahok din si Rudas sa doubles at ang tambalan nila ni Naito ay nagpaabot sa dalawa hanggang semifinals bago sila namaalam sa top seeds na sina Ota at Hsu, 1-6, 3-6.