MANILA, Philippines - Isang simpleng send-off ceremony ang nakatakda ngayong gabi sa Philsports Arena sa Pasig City para sa Philippine delegation na lalahok sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre 12-27.
Ang naturang okasyon ay dadaluhan ni Vice-President Jejomar Binay bilang special guest at kinatawan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, pamangkin ni Philippine Olympic Committee (POC) chief Jose “Peping” Cojuangco, Jr.
Isang misa ang itinakda sa ganap na alas-6 ng gabi kasunod ang talumpati nina Binay, Cojuangco at Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia.
Kumpiyansa si Cojuangco na maganda ang ipapakita ng delegasyon sa 2010 Guangzhou Asiad.
“I really believe that our athletes are ready in the sense that mentally they are eager to participate, they want to compete, they want to win,” ani Cojuangco.
Sa kabila nito, walang prediksyon na ibinigay si Cojuangco hinggil sa medalyang maiuuwi ng mga national athletes mula sa Guangzhou.
“We don’t know what kind of opposition we’ll be facing, and after hearing the words of Mr. (Alex) Ariza, I’m really more than ever weary if our athletes are really that prepared to compete as compared to the other countries,” wika ng POC head.
Noong 2006 Asian Games sa Doha, Qatar, nag-uwi ng kabuuang apat na gold, anim na silver at siyam na bronze medals ang delegasyon.