CLEVELAND - May isa na lamang perfect team sa Eastern Conference.
Umiskor si Marvin Williams ng 22 points, habang nagdagdag naman si Al Horford 16 points at 12 rebounds para pangunahan ang Atlanta Hawks sa 100-88 paggupo sa Cleveland Cavaliers para sa kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Nag-ambag si Jamal Crawford ng 16 points kasunod ang tig-15 nina Joe Johnson at Mike Bibby.’
Kasabay ng pagtatayo ng kanilang 3-0 marka sa road games, tinapos rin ng Hawks ang kanilang six-game losing skid sa Cleveland.
Gumawa naman si J.J. Hickson ng career-high 31 points at tinawag na “M-V-P” ng mga Cleveland fans.
Tumipa si Mo Williams ng 12 sa kanyang season debut para sa Cavs.
Nagbalik si Williams matapos iupo ang tatlong laro dahilan sa kanyang groin injury. Hindi rin nakalaro para sa Cleveland si forward Antawn Jamison na may sore knee.
Sa Miami, itinakas ng host team ang kanilang ikapat na sunod na panalo sa pamamagitan ng paghiya sa Minnesota Timberwolves, 129-97.
Tumapos si Dwyane Wade ng 26 puntos habang nagsumite naman si LeBron James ng 20 puntos at game-high 12 assists.
Sa Auburn Hills, Michigan, naglista si Rajon Rondo ng siyam na puntos at 17 assists at pamunuan ang Celtics sa 109-86 paggiba sa Detroit Pistons.
Sa Washington, pinatunayan ni John Wall na mas matikas siya kumpara sa kapwa top picks ngayong taong draf nang kanyang banderahan ang Wizards sa 116-115 paglusot kontra sa Philadelphia 76ers sa kanilang unang paghaharap.
Sa Milwaukee, pinayuko ng Portland ang Bucks sa iskor na 90-76 at tapusin ang kanilang four-game road trip sa isang maningning na panalo.