Pacquiao-Mayweather fight 'di na mangyayari - Roach
MANILA, Philippines - Mawawalan ng saysay ang pagsisikap ng HBO na mapaglaban sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Ito ang paniniwala ni trainer Freddie Roach dahil matibay pa rin ang kanyang pananaw na hindi kailanman mangyayari ang pagtutuos nina Pacquiao at Mayweather Jr.
Sa panayam ni Graham Bensinger ng Yahoo Sports, sinabi ni Roach na mahirap mangyari ang laban dahil mismong si Mayweather ang umaayaw.
Ang pagtanggi nito sa malaking pera na kikitain nito kung kinagat ang alok na laban kay Pacquiao na dalawang beses na nangyari ay patunay na hindi interesado si Mayweather na labanan ang 7-time world division champion.
“Boxing is not just a sport but also a business. A $40 million guaranteed to both sides plus pay per view. Come on, howcan you turn that down, boxing is our livelihood and it could have taken cared of our families for the rest of our lives,” wika ni Roach.
Dalawang beses nang sinikap na buuin ang nasabing mega fight na ito pero hindi nangyari dahil sa mga kondisyon na inihahain ni Mayweather.
Nang naayos ang usapin sa blood testing na unang hiningi ni Mayweather, itinatwa naman ng walang talong US boxer na may nagaganap na negosasyon kaya’t tuluyang namatay ang usapin.
“Definitely there was negotiation. We wanted that fight badly but it didn’t happen because Floyd doesn’t want to fight Manny and that’s the bottom line,” dagdag pa nito.
Dahil sa pag-atras sa negosasyon ni Mayweather ay kinuha na lamang ng Top Rank si Antonio Margarito upang makaharap nito sa Nobyembre 13 sa Cowboy’s Stadium sa Arllington, Texas.
Ang labanang ito ay para sa bakanteng WBC junior middleweight title at kung papalarin ay ikawalong titulo ito ni Pacquiao sa magkakaibang dibisyon.Sinabi ni HBO president Ross Greenburg na naging tulay sa ikalawang negosasyon, ay nagsabing handa uli siyang gumanap ng mahalagang papel para maikasa ang sagupaan ng dalawang pound for pound champions.
- Latest
- Trending