MANILA, Philippines - Walang manlalaro ng host Pilipinas ang umusad sa main draw buhat sa dalawang araw na qualifying round ICTSI ITF Women’s Circuit I na pormal na magsisimula ngayon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Natalo sina Aileen Rogan at Maika Jae Tanpoco sa pagtatapos ng qualifying round kahapon.
Si Rogan ay yumukod Zhou Ya ng China 1-6, 5-7, habang Rogan ay lumasap ng 1-6, 3-6, laban kay Chae Kyung-yee.
Naunang namaalam si Marianne Hillary De Guzman kay Nimisha Mohan ng India, 6-1, 6-0.
Dahil sa pangyayari, naiwan kina Christine Patrimonio, Marinel Rudas, Marian Jade Capadocia at Tamitha Nguyen ang pagwagayway ng watawat ng bansa sa main draw na hahataw ngayon.
Top seed sa torneo si Gally De Wael ng Belguim na ranked 510 sa mundo.
Ang iba pang bigating dayuhan ay sina Pia Soumalainen ng Finland, Elodie Rogge-Dietrich ng France, Nungnadda Wannasuk, Varatchaya Wongteanchai, Nicha Lertpitaksinchai at Peangthan Pliphuech ng Thailand; Rushmi Chakravarthi ng Indonesia; Hae-Sung Kim, Na-Lee Han at Ji-Young Kim ng Korea; Lin Zhu at Chun-Yan He ng China; Ivana King at Chanelle Van Nguyen ng United States; Ofri Lankri ng Israel; Tomoko Dokei ng Japan at Katharina Negrin ng Austria.
Halagang $10,000 ang paglalabanan sa torneong ito na magkakaroon ng Week II sa susunod na linggo.