CHICAGO--Isinigaw ng mga fans ang “MVP! MVP!” o para kay Derrick Rose. At mukhang hindi ito ang huling pagkakataon na maririnig niya ito.
Dinuplika ni Rose ang kanyang career-high 39 points para tulungan ang Chicago Bulls sa 101-91 victory laban sa Detroit Pistons.
“I’m just taking the shots that they gave me,” wika ni Rose, nagtala ng 13-of-27 fieldgoals. “They’re giving me wide open shots. I’m going to take them. They’re giving me wide open lanes, I’m going to drive it. My teammates gave me the confidence to do that.”
Bumangon ang Chicago mula sa isang 21-point deficit sa third quarter at naghahabol pa sa 73-86 sa unang tatlong minuto sa fourth period nang maghulog ng isang 19-2 bomba kontra Detroit.
Humugot si Rose ng 8 points sa naturang ratsada ng Bulls. Nagdagdag si Joakim Noah ng 15 points at 17 rebounds para sa Chicago, habang may 11 naman si Taj Gibson.
Nag-ambag si James Johnson ng 8 points at 9 rebounds para sa Bulls ng bagong coach na si Tom Thibodeau.
Namayani sa first half para sa Pistons si dating Bulls star Ben Gordon mula sa kanyang 21 points.
Sa San Antonio, kumana si Chris Paul ng 25 puntos at tinalo ng New Orleans ang Spurs, 99-90 at manatiling natatanging koponan sa Southwest Division na wala pang nalalasap na talo.
Nagdagdag si David West ng 18 puntos para sa Hornets na binigyan ang first-year coach na si Monty Williams ng 3-0 panimula matapos na manalo sa kanyang dating coach at mentor na si Gregg Popovich.
Tumapos si Tony Parker ng 13 puntos ilang oras matapos na lumagda ng apat na taong extensyon na nagkakahalaga ng $50 million, ngunit naging misrable ang Spurs sa pagsapit ng third period ng hindi na makapuntos.
Sa Milwaukee, sa unang pagkakataon, nagposte si Brandon Jennings ng kanyang career triple-double sa pagpinta ng 20 puntos, 10 rebounds at 10 assists upang trangkuhan ang Bucks sa 98-88 paglusot sa Charlotte Bobcats.
Nag-ambag si Andrew Bogut ng 14 puntos, walong rebounds at apat na blocks para sa Bucks.
Sa Atlanta, isinalpak ni Joe Johnson ang 14 mula sa kanyang 25 puntos sa final canto at imando ang Hawks sa 99-95 tagumpay laban sa Washington Wizards.
Sa Houston, tumipa si Al Harrington ng 28 puntos at naglista si Carmelo Anthony ng 24 puntos upang tulungan ang Denver na idiskaril ang unang laro ng Houston sa kanilang balwarte sa pamamagitan ng 107-94 panalo.
Sa iba pang resulta, pinataob ng Portland Trail Blazers ang New York Knicks, 100-95; pinigilan ng Memphis Grizzlies ang Minnesota Timberwolves, 109-89; hiniya ng Sacramento Kings ang Cleveland Cavaliers, 107-104 at nanaig ang Indiana Pacers sa Philadelphia 76ers, 99-86.