MANILA, Philippines - Pangungunahan ng dating number one lady netter ng bansa na si Anne Christine Patrimonio ang paghahangad ng puwesto sa main draw sa pagsisimula ng qualifying round sa ITCSI/ITF Women’s Circuit Week I sa Rizal Memorial Tennis Center.
Bukod kay Patrimonio, sina Marian Jade Capadocia, Steffi Rei Varias, Aileen Rogan, Marinel Rudas at Maika Jae Tanpoco ang mga sasabak sa qualifying round na magtatapos bukas.
Umabot sa 25 na manlalaro, kasama ang mga bigating dayuhan, ang sasalang sa qualifying round sa torneong inorganisa ng Philippine Tennis Association (Philta) at handog ng International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI).
May 18 manlalaro naman ang nakatiyak na sa main draw sa pamumuno ng 510th ranked Gally de Wael ng Belguim.
Kasama rin sa main draw sina Piia Soumalainen ng Finland, Elodie Rogge-Dietrich ng France, Nungnadda Wannasuk, Varatchaya Wongteanchai, Nicha Lertpitaksinchai at Peangthan Pliphuech ng Thailand; Rushmi Chakravarthi ng Indonesia; Hae-Sung Kim, Na-Lee Han at Ji-Young Kim ng Korea; Lin Zhu at Chun-Yan He ng China; Ivana King at Chanelle Van Nguyen ng United States; Ofri Lankri ng Israel; Tomoko Dokei ng Japan; at Katharina Negrin ng Austria.
Ang mga maglalaban ay magkakamit ng ITF puntos upang mapataas ang kanilang mga kasalukuyang rankings.
Ang Week I ay magtatapos sa Nobyembre 7 at agad na isusunod ang Week 2 mula Nobyembre 7 hanggang 14 sa nasabi ring palaruan.