Pinas kampeon sa SEABA
MANILA, Philippines - Hindi nawala ang tikas ng paglalaro ng RP women’s team sa one game finals para makopo ang 7th SEABA Women Championship title sa pamamagitan ng 76-54 dominasyon sa dating kampeon Thailand kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Kumulekta uli ang host team ng 11 tres sa kabuuang ng laro pero ang tunay na nagtrangko sa panalo ay ang kanilang depensa ng malimitahan lamang ang Thais sa tig-siyam na puntos sa ikatlo at ikaapat na yugto upang tuluyang maiwanan ang mga ito.
Si Joan Grajales at Diana Jose na parehong starter ng koponan ay nagtapos taglay ang 14 at 12 puntos at nagsanib sa anim na tres habang sina Chovi Borja, Merenciana Arayi, Angeli Gloriani, Anna Pineda at Melissa Jacob ay may tig-isa upang mawalang saysay ng host team ang laki sa gitna ng kalabang koponan.
Ito ang kauna-unahang kampeonato sa kababaihan sa Southeast Asia ng Pilipinas at ang panalo ay pambawi rin ng koponan buhat sa tinamong kabiguan sa finals ng 2007 edisyon na ginawa sa Phuket, Thailand.
“Ipinakita nila na determinado silang maging kampeon sa final game na ito. Maganda ang shooting namin pero mas matibay ang depensa namin lalo na sa second half kaya nadomina namin ang ilalim,” ani coach Haydee Ong.
May 21 puntos si Suksomwong pero 18 rito ay ginawa niya sa first half na kung saan nakadikit pa ang Thailand sa 36-37 iskor.
Nahirapan ang Thais na naglaro ng 10 players lamang matapos matapilok ang sentro na si Naruemol Banmoo sa unang minuto ng ikatlong yugto.
Tumapos pa rin ito taglay ang 15 puntos pero hindi na siya gaanong nakadepensa dahilan upang makaiskor ng lay-ups sa huling yugto ang pambansang koponan.
Kontrolado ng Pilipinas ang lahat ng departamento kasama nga ang 41-30 bentahe sa rebounding tungo sa 24-12 angat sa inside points. May 17 assists din ang Pilipinas laban sa 12 ng kalaban at si Grajales nga ay may anim.
Ang pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas Manuel V. Pangilinan kasama si Philippine Sports Commission chairman Ricardo Garcia ang siyang nag-abot ng mga tropeo sa nagkampeon.
Pumangatlo naman ang Malaysia nang kanilang ilampaso ang Indonesia, 91-61, sa unang labanan.
- Latest
- Trending