MANILA, Philippines - Paglalabanan ngayon ng defending champion Wang’s Ballclub at nagbabalik na Star Group Of Publications ang outright semis berth sa 2010 MBL Invitational basketball championship sa Lyceum gym sa Intramuros, Manila.
Nakatakda ang paghaharap ng dalawang koponan sa alas-8:30 ng gabi matapos ang upakan sa pagitan naman ng MLQU at Royale BC sa alas-7:30 ng gabi.
Parehong matikas ang Wang’s at Star na kapwa nagtataglay ng 4-2 win-loss slate sa nasabing tournament na suportado ng Smart Communications, Dickies Underwear at PRC Courier Services.
Sa pangunguna nina ex-pros Biboy Simon at Jonathan Aldave at American missionary Joshua Manthe na ginagabayan ni businessman-sportsman Alex Wang, tangka ng Mandaluyong-based na masundan ang kanilang 102-91 pananaig laban sa EJM Pawnshop noong Oct. 14.
Ngunit hindi puwedeng balewalain ang Starmen na iminamando nina coach Recto at manager Mike Maneze, posibleng gumawa ito ng malalim na game plan upang ipantapat sa kanilang kalaban para mapigilan ang hinahangad na panalo.
Matindi rin ang hangarin ng Starmen na lalo pang mapasolido ang kanilang kampanya para sa outright semis berth kaya’t matinding opensa ang inaasahang ilalabas ng koponan upang maduplika ang kanilang ginawang panggugulat sa ‘giant-killer’ na Royale BC na kanilang tinapos ang pananalasa sa bisa ng 83-73 tagumpay noong Oct. 18.
At gaya ng inaasahan, muling magtutulungan sina Dennis Rodriguez, Gio Coquilla, Virgilio Roque, Jong Bondoc at Cris Corbin upang banderahan ang tangkang upset na panalo ng Starmen laban sa Wang’s.
Bukod sa nabanggit inaasahang gagana rin ang malagkit na depensa mula kina Wyanne Tabang, Bong Martinez, Gerald Ortega, Lester Reyes, Randel Reducto at Mario Geocada.
Ayon kay tournament director Albert Andaya ang top two teams matapos ang elimination round ang awtomatikong uusad sa semis round bitbit ang twice-to-beat incentive, habang ang susunod na apat na team ang maglalaban-laban naman para sa nalalabing semis slot sa dalawang pares na knockout matches.
At ang mananalo sa semis ang maghaharap naman para sa korona sa pamamagitan ng winner-take-all match.