Patrombon bigo sa singles, pasok sa quarterfinals sa doubles sa Japan netfest
MANILA, Philippines - Lungkot at saya ang nararamdaman ni Jeson Patrombon matapos ang ikalawang araw ng World Super Junior Tennis Championships na isang Grade A torneo sa Osaka, Japan.
Ito’y dahil natalo ang fourth seed sa boys singles second round kay German Constantin Christ pero nangibabaw naman sina Patrombon at Uzbekistan netter Sergey Shipalov kina Australians Nick Kyrgios at Jordan Thompson sa boy’s doubles.
Umabot sa tatlong oras ang labanan nina Patrombon at unseeded na si Christ pero sinuwerteng ang German netter na nakakapagpakawala ng winning shots matapos ang mahabang palitan para maiuwi ang 7-5, 6-2, tagumpay.
Ngunit bumawi naman si Patrombon katuwang si Shipalov na fourth seeds din sa boys doubles nang hiritan ng 2-6, 6-3, 7-6 (10-7) panalo sina Kyrgios at Thompson.
Kinailangang magpakatatag nina Patrombon at Shipalov lalo na matapos ang 7-all iskor sa super tie break upang maipanalo ang huling tatlong puntos para makaabante sa quarterfinals.
“Mixed feelings ang nararamdaman ni Patrombon. Pero ang mahalaga ay nanalo siya sa doubles at nananatiling lumalaban pa sa kompetisyon,” wika ni coach Manny Tecson.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapasok sa round of eight si Patrombon sa Grade A tournament at sisikapin nila ni Shipalov na makaabot ng semifinals sa pagbangga sa mga Koreanong sina Lee Jea-moon at Woo Chang-kyo na pinagpahinga na sina Ryota Kishi at Yutaro Matsuzaki ng Japan, 6-3, 6-0.
- Latest
- Trending