RP athletes na sasabak sa Asiad, natapyasan uli
MANILA, Philippines - Habang nalalapit ang 16th Asian Games sa Guangzhou, China ay nabawasan naman ang bilang ng mga national athletes.
Kabilang sa mga natanggal na sa listahan ng national delegation para sa 2010 Guangzhou Asiad na nakatakda sa Nobyembre 12-27 ay ang tig-22 miyembro ng men’s at women’s dragonboat team, limang lady chess players at isang long distance runner.
Sa kasalukuyan, may 190 bilang ng atleta ang nasa listahan ng Philippine Olympic Committee (POC) para sa naturang quadrennial event.
“In terms of athletes-to-medal ratio, we’re better off now,” wika ni POC spokesman at Chef De Mission Joey Romasanta sa pagbaba ng bilang ng national contingent.
Ang men’s at women’s dragonboat teams ay hindi nakapasa sa kriterya ng POC Working Group ni Romasanta, habang sinasabi naman ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) na boluntaryo nang umatras sina lady chessers Cheradee Camacho, Sherily Cua, Catherine Perena, Rulp Ylem Jose at Jedara Docena.
Ang lady marathon expert namang si Jho-Ann Banayag ay inalis sa koponan ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) dahil sa pagsuway sa kanilang direktiba.
Lumahok si Banayag sa nakaraang Camsur Marathon noong Setyembre 24 kung saan siya tumapos bilang pang anim. Isang six-month suspension ang ipinataw ng PATAFA kay Banayag, sumali lamang sa Camsur marathon dahil sa pangangailangang pinansyal ng kanyang pamilya.
Isasabak ng PATAFA sa 2010 Guangzhou Asiad sina hammer thrower Arnel Ferrera, steeplechaser Rene Herrera, marathoner Eduardo Buenavista, long jumpers Marestella Torres at Henry Dagmil at javelin throwers Rosie Villarito at Danilo Fresnido.
- Latest
- Trending