MANILA, Philippines - Lumapit sa isang panalo upang makumpleto ang dominanteng season sa NCAA ang nasa isipan ng San Beda sa pagharap sa nagdedepensang San Sebastian sa pagbubukas ng Finals ngayon sa Araneta Coliseum.
May 16-0 record ang Red Lions na papasok sa alas-4 ng hapon na bakbakan nila ng Stags at kailangan lamang nila na manalo ng dalawang beses upang mabawi ang titulong inagaw sa kanila ng katunggali noong nakaraang taon.
Isang panalo rin ay maglalagay sa Lions bilang kauna-unahang koponan na makakagawa ng 18-0 sweep bagay na aminado si coach Frankie Lim ay magandang motibasyon sa kanyang bataan.
“But we are not thinking about. We have not even talked about that sweep. Of course I would be hypocrite if I will not admit that it is one of our goals,” wika ni Lim.
Mahalaga na maipanalo ng Lions ang larong ito dahil naniniwala si Lim na 80% ay kanila na ang titulo kung mangyayari ito.
“If they win, then it will be fifty-fifty,” dagdag pa ni Lim.
Importante rin sa Stags ang makukuhang panalo dahil kailangan nilang daigin ang San Beda ng tatlong sunod para mapanatili ang titulo.
“Hindi naman imposible ang bagay na iyan pero kailangang ilabas ng mga bata ang kanilang puso at determinasyon,” wika naman ni Stags coach Renato Agustin.
Sina Calvin Abueva, Ronald Pascual, Ian Sangalang at Pamboy Raymundo na siyang arkitekto sa tagumpay sa Lions noong nakaraang season ang siyang inaasahang babalikat sa Stags.
Ang Amerikanong si Sudan Daniel at Borgie Hermina na nasa kanyang huling taon ng paglalaro sa liga ang mangunguna naman sa Lions.
Bago ito ay magtatagisan muna ang mga junior teams na Staglets at Red Cubs sa panimula ng kanilang best-of-three series sa juniors title ganap na alas-2 ng hapon.
Pararangalan din ng liga ang mga mahuhusay na manlalaro tulad ng Most Valuable Player sa alas-12:30 ng tanghali.