Squires, Junior Blazers maglalaglagan

MANILA, Philippines - Isa lamang sa Letran Squires at St. Benilde junior Blazers ang magbubulsa sa ikaapat at huling silya sa Final Four sa juniors’ di­vision ng 86th NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Magtatagpo ang Squi­res at ang Junior Blazers nga­yong alas-10 ng umaga upang pag-agawan ang No. 4 berth sa Final Four.

Iginupo ng Squires ang Jose Rizal Light Bombers, 87-73, noong Sabado sa San Juan Gym upang ayu­sin ang kanilang knockout match ng Junior Blazers.

Humakot si Mark Cruz, nakababatang kapatid ni PBA player Marvin Cruz, ng game-high 25 points mula sa kanyang 10-of-16 fieldgoal shooting bukod pa sa kanyang 6 assists, 4 rebounds at 1 steal para sa Squires.

Nagdagdag naman si Mc Jour Luib ng 20 points at 10 rebounds kasunod ang 15 points ni Aldrin Serafica para sa Intramuros-based dribblers.

Ang mananalo sa pagitan ng Junior Blazers at Squires ang siyang ookupa sa No. 4 seat kalaban ang nagdedepensa at No. 1 San Beda Red Cubs, habang makakasagupa ng No. 2 San Sebastian tag­lets ang No. 3 Perpetual Junior Altas.  

Show comments