MANILA, Philippines - Hindi pa man lubusan ang paghahanda ng Philippine Patriots ay idineklara naman ni coach Louie Alas ang kahandaan ng koponan na maidepensa ang suot na ASEAN Basketball League title sa Season II na magsisimula ngayon sa Bangkok, Thailand.
“Everybody is excited and we’re ready to defend our title,” wika ni Alas na masusukat sa Brunei Barracudas sa pagbubukas ng kanilang kampanya sa Linggo sa Ynares Sports Center sa Pasig City.
Opisyal naman na itataas ang telon ng regional basketball league ngayon sa pagkikita ng Thailand Slammers at KL Dragons sa Bangkok, Thailand.
Sina Warren Ybañez, JP Alcaraz at Erwin Sta. Maria ang mga manlalarong magbabalik mula sa champion team noong nakaraang season pero pinalakas ang koponan sa pagkuha ng mga ex-pros sa pangunguna nina 6’7 Fil-Am Alex Crisano, Jun Jun Cabatu at 6’5 shooter Allan Salangsang.
Hinugot din ng Patriots na pag-aari nina Dr. Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco, sina Benedict Fernandez at Parri Llagas upang isama kina Chito Jaime, Harold Sta. Cruz, Orly Daroya, Egay Billones at Kelvin Gregorio.
Ang mga imports ay sina Anthony Johnson at Donald Little at sa dalawang ito ay dapat na magpakitang-gilas ang 6’10 na si Little kung nais nitong tumagal sa koponan.