Corteza, Lining pasok sa semis ng China Open
MANILA, Philippines - Umabante si Lee Vann "The Slayer" Corteza sa semifinal round nang talunin si Taiwanese Chang Jung-lin, 11-4, sa China 9-ball Open sa Minya Hotel sa Shanghai, China.
Makakaharap ni Corteza, ang world No. 2 billiards player, sa semis si Yu Long Zhang ng China na tumalo naman kay American Shane Van "The South Dakota Kid' Boening, 11-9.
Nauna nang tinalo ni Corteza si Yukio Akakariyama ng Japan, 11-6, sa round-of-32 at si Zhi Dong Lang ng China, 11-9, sa round-of-16.
Sa Group stage play, binigo ni Corteza si Wang Guobin ng Chinese-Taipei, 11-6, bago natalo kay Ko Pin-yi ng Chinese-Taipei, 3-11, para malagay sa loser's brackets sa Group 2.
Pinayukod ni Corteza si Naoyuki Oi ng Japan, 11-5, sa ‘do-or-die’ match para makapasok sa knockout stage (round-of-32).
Samantala, nagtala naman ng magkahiwalay na panalo sina Antonio "Nickoy" Lining at Liu Hai Tao patungo sa kanilang semis showdown.
Iginupo ni Lining si Jeff De Luna, 11-3, habang giniba ni Liu si Efren “Bata” Reyes, 11-2.
- Latest
- Trending