MANILA, Philippines - Hindi hinayaan nina Cecil Mamiit at Treat Conrad Huey na agarang mapatalsik ang Pilipinas sa Asia Oceania Zone Davis Cup Group I Relegation tie nang kunin ang 6-3, 6-4, 6-4, panalo laban kina Kim Hyun-joon at Seol Jae-min sa doubles competition kahapon sa Chanwon Municipal Tennis Center, Chanwon, Korea.
Isinantabi ni Mamiit ang pananakit ng kanang kamay upang mahusay na nakipagtambal kay Huey tungo sa panalo sa larong umabot sa loob ng dalawang oras.
Dahil dito, natapyasan ng Pilipinas ang kalamangan ng host Korea sa 2-1 sa best of five tie na magdedetermina kung sino sa dalawang bansa ang mananatili sa Group I sa 2011.
Nakaramdam ng ginhawa si Mamiit kahapon ng umaga upang magdesisyon na maglalaro sa doubles.
Nauna rito ay nagkaroon ng pananakit ang kanyang kanang kamay dahilan upang maisuko ang 0-6, 1-6, 6-3, 6-0, 6-2 kabiguan kay Jeong Suk-young.
Bago ito ay nanalo muna si Huey kay Korean top player Lim Yong-kyu, 7-6(8), 2-6, 6-7(7), 6-7(4).
Magtatapos ang aksyon ngayon sa pagdaraos ng reversed singles at si Mamiit ay magtatangkang maitabla ang iskor sa pagharap kay Lim.
Kung maipapanalo, magsisilbing deciding game ang tagisan nina Huey at Jeong.
“We have seen how they play and we now know both the reverse singles are winnable,” wika ni Davis Cup team manager Jean Henri Lhuillier.