MANILA, Philippines - Matapos magkaroon ng ankle injury noong nakaraang Biyernes, kumpiyansa si Air21 coach Yeng Guiao na makakalaro si No. 2 overall pick Rabeh Al-Hussaini sa kanilang tune-up game kontra Singapore Slingers sa Singapore sa Sabado.
Natapilok ang 6-foot-7 na si Al-Hussaini sa ensayo ng Express kaya hindi ito nakalaro sa kanilang laban ng bisitang SK Knights ng South Korea noong Biyernes sa The Arena sa San Juan.
Natalo ang Air21 sa SK Knights, 69-86, na nagbandera kina dating PBA imports Marquin Chandler at Terrence Leather.
Makakaharap ng Express sa pagbubukas ng 2010-2011 PBA Philippine Cup sa Oktubre 8 ang San Miguel sa Araneta Coliseum sa ganap na alas-7:30 ng gabi pagkatapos ng banggaan ng Barako Bull at Fiesta Cup champions Alaska sa alas-5 ng hapon.
Pormal na magsisimula ang torneo sa Oktubre 3 sa Araneta Coliseum tampok ang labanan ng Barangay Ginebra at Meralco.
Itataya naman ng nagdedepensang B-Meg Derby Ace ang kanilang korona sa Oktubre 6 laban sa Talk ‘n Text sa ganap na alas-7:30 ng gabi makaraan ang upakan ng Powerade at Rain or Shine sa alas-5.
Samantala, kinuha na ng Tropang Texters st 6’4 forward Rich Alvarez matapos ipamigay ng Express.
Nakatakdang lumahok ang Talk ‘N Text sa Qatar Invitational Championship sa Setyembre 21-23.
Makakaharap ng Tropang Texters sa naturang torneo ang Qatar national team, France Team B at ang Slovenian team.