So sasabak sa SPICE chessfest sa US
MANILA, Philippines - Magiging abala si Pinoy GM Wesley So sa buwan ng Oktubre.
Pagkatapos niyang sumabak sa 39th na World Chess Olympiad sa Khanty-Mansiysk sa Russia sa huling bahagi ng buwan na ito, makikipagtagisan rin si So sa 2010 SPICE Susan Polgar Institute of Chess Excellence) Group A Tournament sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 7 sa Texas Tech University sa Estados Unidos.
Ito na ang ikalawang sunod na taon na masasaksihan sa aksyon si So sa prestihiyosong category 16 na torneo na inorganisa ni chess Ambassador Susan Polgar.
Ang multi-awarded na Pinoy woodpusher na mayroong ELO rating na 2668 ay nasa third seed ng kompetisyong lalahukan ng anim na manlalaro na kinabibilangan nila GM Zoltan Almasi (ELO 2707) ng Hungary, GM Alexander Onishuk (ELO 2688) ng USA, GM Georg Meier (ELO 2659) ng Germany, GM Ray Robson (ELO 2539) ng USA at GM Eugene Perelshteyn (ELO 2528) ng USA.
“It’s a big honor for me to participate in the SPICE tournament for the second straight year,” ani So na tumapos ng ika-apat na puwesto sa naturang torneo noong nakaraang taon. Ang bawat tagumpay sa paligsahan ay may katumbas na tatlong puntos habang ang pakikipagtabla naman ay may katumbas na isang puntos habang wala naman para sa talo
Ito na ang ikapitong major chess tourney na lalahukan ni So ngayong taon. Noong Pebrero, tumapos si So sa pakikipagsalo sa ikapito hanggang sa ika-19 na puwesto sa Aeroflot Open Chess Championships sa Moscow, Russia. Tumapos rin sa three-way tie para sa ikalawa hanggang ikaapat na puwesto si So sa ikasiyam na Asian Individual Chess Championship sa Subic noong Abril.
Naghari naman si So sa Phoenix-Petroleum-sponsored na Battle of GM’s Chess Tournament noong Mayo. Tinapos rin ni So ang Biel Young GM’s Chess Tournament noong Hulyo na ginanap sa Biel Switzerland sa ikalimang puwesto. Lumahok rin siya sa Rising Stars Versus Experience Chess Team Tournament sa Wijk ann Zee sa Netherlands bago tumapos sa 7th place sa Campomanes Memorial Cup.
- Latest
- Trending