MANILA, Philippines - Ipinagpatuloy ng University of Manila at STI ang kanilang pagpapasolido sa itaas ng standing matapos na umiskor ng panalo sa magkahiwalay na kalaban sa pagpapatuloy kahapon ng 10th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities basketball tournament sa UM Gym.
Kumana si Rhandelle Colina ng 20 puntos upang trangkuhan ang Hawks sa 67-47 paglampaso sa AMA Computer University.
Nag-ambag naman sina JR Tan at Alvin Viernes ng 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod upang sumuporta kay Colina sa pagbitbit sa Sampaloc-based dribblers sa 12th panalo matapos ang 13 pakikipaglaban at lalong pahigpitin ang kanilang kapit sa solong liderato sa 12-team tournament na ito na inorganisa ni Dr. Jay Adalem ng host school St. Clare College-Caloocan.
Sa kabilang dako, humugot naman ng lakas ang Olympians mula sa tikas ni Rama Morales na naglista ng 16 puntos upang pamunuan ang paghiya sa New Era U, 66-35.
Ang panalong ito ng Olympians ang naglapit sa kanilang kampanya sa paghahabol sa Hawks matapos na iposte ang 11-2 win-loss slate.
Nagpasabog si Mark Mangalindan ng 10 puntos, subalit hindi ito naging sapat upang tulungan ang Titans na makaiwas sa paglasap ng kanilang ikapitong kabiguan sa likod ng anim na panalo sa 13 pakikipaglaban.
Sa panig naman ng Hunters, tumapyas si Mac Sevilla ng 12 puntos ngunit hindi ito naging sapat upang madala ang koponan sa panalo nang hindi gaanong nakakuha ng suporta mula sa kanyang ka-teammate.
Nalasap ng Hunters ang kanilang ikawalong pagkatalo matapos ang limang panalo.