MANILA, Philippines - Hindi hinayaan nina Patrick Cabahug at Reed Juntilla na mapahiya ang host Misamis Oriental nang kunin ang 75-71 panalo sa bisitang M. Lhuillier Kwarta Padala Cebu sa Game Three ng Tournament of the Philippines (TOP) nitong Biyernes sa Xavier University Gym sa Cagayan de Oro.
Napanatili ni Cabahug ang mainit na paglalaro nang magpasabog ng 23 puntos habang bumawi naman si Juntilla sa pagkakalimita sa siyam na puntos sa Game Two na kanilang naisuko sa ginawang 19 puntos upang ibigay sa Meteors ang 2-1 kalamangan sa best-of-five title series sa torneong pinagtulungang itaguyod ng Philippine Basketball League at Liga Pilipinas.
May 11 puntos nga si Cabahug sa ikatlong yugto upang tulungan ang Meteors na ilayo sa 62-50 papasok sa huling yugto.
Ngunit bumangon ang Niños at nakalamang pa sa 66-64, nang buksan ang huling yugto sa pamamagitan ng 16-4 bomba tampok ang apat na tres.
Huling lamang ng bisitang koponan ay sa 68-66 bago bumanat uli ng magkasunod na jumpers si Cabahug para ibigay ang 70-68 kalamangan.
Isang free throw at 15-foot jumper naman ang ginawa ni Juntilla upang bigyan ang Meteors ng 73-69 kalamangan may 28 segundo bagay na hindi na nahabol pa ng Ninos.
“Ipinakita ng mga players ang tibay ng dibdib dahil hindi sila bumigay kahit humabol pa ang Cebu,” pagpupuri pa ni Meteors coach Jun Noel.
Kailangan na lamang ng MisOr na manalo sa Game four na nilaro kagabi upang makopo ang titulo.
Kung manalo ang Cebu, ang game five ay gagawin sa Lunes sa New Cebu Coliseum.
May 16 puntos si Stephen Padilla para pamunuan ang Ninos.