MANILA, Philippines - Makapaghiganti.
Ito ang nasa isipan ngayon nina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante sa pagharap laban kina Nitiwat Kanjanasri at Sorathep Phoochalam ng Thailand sa tampok na laro sa pagbubukas ngayon ng PartyPoker.net World Cup of Pool sa Midtown wing ng Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
“Hindi ko pa rin nalilimutan ang kabiguang sinapit namin sa kanila. Hindi namin sila minamaliit pero gagawin namin ang lahat ng aming makakaya para makabawi sa kanila,” wika ni Reyes sa pormal na press conference ng torneo kahapon sa Italianni’s sa Robinson’s Place.
Nakalusot sina Nitiwat at Sorathep kina Reyes at Bustamante sa quarterfinals ng 9-ball doubles sa 2007 Southeast Asian Games sa Nakhon Ratchasima sa Thailand.
Pakay nina Reyes at Bustamante na top seed sa 32 koponan buhat sa 31 bansang kasali, na mapagharian ang torneong ito sa ikatlong sunod na pagkakataon.
Sila ang kampeon sa nagdaang edisyon na unang isinagawa sa bansa at sila rin ang kampeon sa unang edisyon ng torneo na isinagawa noong 2006 sa Newport Centre, Wales.
“Suwertihan din ang labanan dito. Hindi mo na puwedeng sabihin na malakas ka sa makakalaban mo dahil lahat ng kasali ay nag-improve na,” dagdag pa ni Reyes.
Bilang punong-abala, ang Pilipinas ay magkakaroon ng dalawang koponan at sina Dennis Orcollo at Roberto Gomez ang bubuo sa Team B.
Ang laro ay magsisimula ganap na alas-12 ng tanghali at ang mga unang sasabak sa aksyon ay sina John Morra at Jason Klatt ng Canada laban kina Konstantin Stepanov at Ruslan Chinakhov ng Russia at Muhammad Zulfikri at Ricky Yang ng Indonesia laban kina Raj Hundal at Dharminder Singh Lilly ng India.