MANILA, Philippines - Bagaman nasa ilalim sila ng standing sa kabuuan ng eliminasyon at quarters, nagawang bumangon ng Far Eastern University mula sa ilalim upang tuluyan nang angkinin ang huling tiket sa semis ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 matapos pataubin ang Ateneo kahapon sa The Arena sa San Juan.
Nalusutan ng Lady Tamaraws ang Lady Eagles sa loob ng apat na sets, 24-2 6, 26-24, 25-20 at 25-19.
Nagsanib puwersa ang dalawang guest players ni coach Nes Pamilar na sina Rachelle Anne Daquis na nagsumite ng 22 puntos at Michelle Carolino na nagtala ng 21 puntos na kinabibilangan ng anim na blocks.
Umayuda naman para kina Daquis at Carolino ang mainstays na sina Cherry Mae Vivas at Monique Tiangco na nag-ambag ng 16 at 13 puntos ayon sa pagkakasunod.
Binanderahan naman ni Thai reinforcement na si Surasawadee Boonyuen ang bataan ni coach Clint Malazo sa kanyang tiniradang 21 puntos.
“Mataas naman ang kumpiyansa ko na makakapasok kami sa semis, yun nga lang, nagkakaroon ng problema kaya natatalo kami nung eliminations”, wika ni Pamilar. “Kailangan lang namin na ma-practice pa yung mga ginagawa naming mga adjustments para mas maganda yung laro namin sa Huwebes”, dagdag pa nito.
Kakaharapin ng Morayta-based spikers ang naghihintay nang San Sebastian sa Huwebes na katatampukan rin ng salpukan ng Adamson at Lyceum.
Kinailangan ng FEU na dumaan sa butas ng karayom bago masungkit ang huling upuan sa semis nang sila ay tumapos ng pang-lima sa pagsasarado ng quarters sa kanilang 6-6 na baraha.