PABA Super Baseball tournament hahataw

MANILA, Philippines - Gugulong ngayon ang Philippine Amateur Baseball Association (PABA) Super Baseball Tournament sa pagdaraos ng dalawang laro sa Korean Baseball Field sa Carmona, Cavite.

Unang tagisan ay sa pagitan ng papasibol na baseball players na Philippine Youth team laban sa SCUAA champion Rizal Technological University sa ganap na ika-9 ng umaga bago sundan ng pagtatapat ng RP Team-Entom at PRISAA champion Angeles University dakong ala-1 ng hapon.

Ang RP Team-Philab ang kukumpleto sa limang koponang liga na naglalayong bigyan ng pagkakataon ang mga manlalarong maipakita ang angking galing sa posibilidad na mapasama sa bubuuing national team para sa 2011 Southeast Asian Games sa Indonesia.

Ang dalawang RP teams ay binubuo ng mga manlalarong dating kasapi ng national team na binuwag sa pagsisimula ng taon.

Isang single round robin elimination ang magaganap sa limang kasaling koponan upang madetermina ang apat na koponang lalaro sa cross over semifinals.

Ang mananalong dalawang koponan ang magtutuos para sa titulo.

Show comments